-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Nakatakdang magpatuloy sa darating na Lunes, Hulyo 6, ang face-to-face na klase ng mga mag-aaral sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Kasabay ng pagbabalik ng klase, nangako si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez na mag-iimbita ng mga “entertainers” bilang bahagi ng emotional healing ng mga mag-aaral na lubos na naapektuhan ng naganap na pamamaril sa naturang paaralan.

Ayon kay Department of Education Tacloban City Division Information Officer, Dr. Nilo Eder, patuloy ang pagsisiguro sa seguridad ng paaralan. Sinimulan na rin ang paglalagay ng perimeter fencing sa paligid ng campus at pag-install ng mga CCTV cameras sa buong lugar.

Nagsasagawa rin ng repainting sa paaralan, lalo na sa mga silid-aralan kung saan naganap ang karumal-dumal na pamamaril, upang matulungan ang mga mag-aaral na tuluyang makalimot sa masamang pangyayari.

Matatandaang nagkaroon ng insidente ng pamamaril sa nasabing eskwelahan noong Hunyo 22, kung saan tatlong mag-aaral ang nasawi at ilan pa ang nasugatan at dinala sa pagamutan.

Samantala, plano ng Department of Education na maglagay ng metal detectors sa entrada ng ilang malalaking paaralan sa lungsod ng Tacloban bilang bahagi ng mas mahigpit na seguridad.