Muling nabulabog ang San Jose National High School sa Tacloban City matapos makarinig ng mga estudyante ng pinaghihinalaang putok mula sa Senior High School building ng naturang paaralan.
Ayon kay Department of Education Tacloban City Division Information Officer, Dr. Nilo Eder, nakausap niya ang principal ng paaralan na agad itinanggi ang alegasyong putok ng baril ang narinig.
Paliwanag ng punongguro, nagkaroon lamang ng isang aktibidad sa isang classroom kung saan mayroon nagsigawan.
Dagdag pa ni Eder, isang mag-aaral ang kumanta para sa kanyang kasintahan bilang bahagi ng aktibidad, na naging dahilan ng kilig at hiyawan ng mga kaklase.
Narinig ito ng ibang estudyante sa kalapit na silid-aralan at inakala nilang may kaguluhan, kaya’t nagsitakbuhan ang ilan.
Dahil sa sigawan, nagdulot ito ng alarma sa iba pang mag-aaral na naging sanhi ng komosyon.
Agad namang nagsidatingan ang mga magulang matapos makarinig ng balita tungkol sa pangyayari.
Kaugnay nito, agad ring nagsagawa ng imbestigasyon ang mga kapulisan at pinapalabas ang mga estudyante upang masiguro ang kanilang kaligtasan.















