Naka-preposisyon na ang mahigit isang milyong family food packs na ipapamahagi sa mga posibleng maapektuhan ng pananalasa ng bagyong Verbena.
Sa isang pahayag, sinabi ni DSWD spokesperson ASec. Irene Dumlao na sapat ang relief assistance na ibibigay para sa mga masasalanta ng bagyo na nagbuhos na ng mga pag-ulan at nagdulot ng mga pagbaha sa Mindanao bago pa man tumama ang bagyo.
Ayon sa opisyal, tuluy-tuloy ang kanilang repacking operations sa Luzon Disaster Resource Center at sa Visayas Disaster Resource Center para ma-replenish ang mga relief supply.
Nakikipag-ugnayan na rin ang field offices ng DSWD sa Bicol Region, Eastern Visayas, Central Visayas, Northern Mindanao at CARAGA sa mga lokal na pamahalaan para masiguro ang sapat na suplay ng relief items sa mga lugar na maapektuhan ng bagyo.
Liban sa relief items, naka-standby na rin ang specialized equipment ng DSWD para sa mabilis na deployment, kabilang ang mobile command center, mobile kitchen para sa pagbibigay ng mainit na pagkain para sa mga evacuee, water trucks at water treatment.
Nagpaalala naman ang DSWD sa publiko na maging alerto at sumunod sa mga abiso ng mga lokal na pamahalaan para masigurong ligtas sa panahon ng pananalasa ng bagyo.















