-- Advertisements --

Nakapagtala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mahigit 1,000 katao na stranded sa 37 na mga pantalan sa bansa dahil sa masungit na panahon dahil sa bagyong Crising.

Base sa pinakahuling monitoring ng ahensiya sa sitwasyon sa mga pantalan, nasa kabuuang 1,024 pasahero, truck drivers/cargo helpers ang na-stranded, 50 barko, at 348 rolling cargoes mula sa walong rehiyon sa Southern Mindanao, Southern Tagalog, Palawan, Western Visayas, Eastern Visayas, Bicol, Northern Mindanao at Southern Visayas.

Pansamantala namang itinigil ang pagbiyahe at nakisilong ang nasa 35 na mga barko at 12 motorbancas hanggang sa bumuti na ang lagay ng panahon.

Ang mga pantalan na nakapagtala ng mga stranded na pasahero at drivers o helpers ay sa port of Zamboanga, Sangali Fish Port, Dapitan Fish Port, Galas Feeder Port, Nabilid Port, Lamao Port, Real Port, Pag-asa port, Dapdap Pier, sa mga pantalan sa Maasin, Benit, Padre Burgos, Magallanes/ Triana, Virac, Bacacay, Tabaco, San Andres, Plaridel, Balingoan, Benoni, Balbagon, Siquijor, Tambisan, Larena, Dumaguete, Cadiz Viejo Feeder at Pulupandan Port.

Sa ngayon, nakalagay sa high alert status ang buong hanay ng PCG at naghahanda para sa pagtugon sa anumang emergencies bunsod ng epekto ng bagyong Crising.