Reading Time: 1 minute
Laguna Plane Crash2
Calamba plane crash/ Laguna PDDRMO

NAGA CITY – Hindi napigilang maging emosyunal ng ina ni Kirk Badiola, isa sa mga namatay sa Laguna plane crash nitong nakaraang Linggo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Corazon Badiola, sinabi nitong hanggang sa ngayon hindi pa rin siya makapaniwala na patay na ang kanyang anak.

Ayon kay Badiola, mahigit dalawang taon na umanong hindi niya nakikita ang anak dahil subsob ito sa pagtatrabaho kung kaya’t labis ang kanyang kalungkutan sa nangyari.

Dagdag pa nito kinukumpleto na lamang ni Kirk ang kanyang huling taon sa mga volunteer works dahil nakatakda itong umalis para magtrabaho sa ibang bansa.

Inilarawan din ni Badiola ang anak bilang masipag, responsable at mapagmahal habang ito rin aniya ang tumatayo bilang bread winner ng pamilya.

Sa ngayon, bagama’t masakit ngunit magiging positibo na lamang aniya sila na nasa magandang kalagayan na ang anak.

Kung maalala, isa si Kirk sa mga namatay sa plane crash sa Calamba, Laguna noong Setyembre 1, 2019.