-- Advertisements --

Kinumpirma ng pamunuan ng Office of Civil Defense (OCD) na walang naitalang malaking pinsala ang tumamang magnitude 4.6 na lindol sa General Nakar, Quezon Province.

Ang naturang pagyanig ay naramdaman rin sa mga kalapit na lugar kabilang na ang Metro Manila.

Sa isang pahayag ay sinabi ng OCD na kabilang sa mga apektadong lugar na nakaranas ng banayad na pagyanig at malakas na pagyanig ay ang ilang bahagi ng Maynila, Pasay, at Marikina.

Ayon sa ahensya, sa ngayon ay walang ulat ng pinsala sa mga istruktura o imprastraktura.

Naganap ang lindol dakong alas 12:17 ng hapon kahapon na tinatayang may lalim an humigit-kumulang anim na kilometro.

Una nang iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na may magnitude na 5.1 ang lindol ngunit kalaunan ay ibinaba ito sa 4.6.

Natukoy ang epicenter ng lindol sa layong humigit-kumulang 24 kilometro hilaga-hilagang-kanluran ng General Nakar habang tectonic ang sinasabing pinagmulan nito.