CAGAYAN DE ORO CITY – Nagpalitan nang akusasyon ang mayoralty candidates na umano’y maaring nasa likod pagtapon ng hindi pumutok na granada sa ancestral house ni Deputy House Speaker at 2nd District Rep Rufus Rodrigue sa Barangay Nazareth,Cagayan de Oro City halos mag-isang linggo na nitong araw.
Ito ay matapos iginiit ni Phividec Administrator Jose Gabriel ‘Pompee’ La Viña na hindi kagagawan ng Cagayan-anon politicians na magsagawa ng eksena katulad na ang paghagis ng granada sa bahay ng katulad nito na politiko kumpara sa mga nagmula ng ibang lugar katulad ng Ozamiz City, Misamis Occidental.
Ito ang kasagutan ni La Viña sa ipinalutang ng kaalyado ni 1st District Rep. Rolando ‘Klarex’ Uy na si City Councilor Eric Salcedo na maaring nagmula sa kanilang katunggali ng politika ang nasa likod ng pangyayari.
Sinabi sa Bombo Radyo ni La Viña na bago pa man makaimbento ng kuwento ang kanilang mga kalaban ng politika ay nagkasundo na ang partidong Padayon Pilipino at Centrist Party of the Philippines kung sinun-sino ang patatakbuhin na mayor, bise-mayor at kandidato pagka-kongresista sa dalawang distrito ng lungsod.
Sagot naman ni Uy na ikinalungkot nito na muntikan nang nalagay sa panganib ang buhay ng kanyang tinawag na partner na si Cong Rufus dahil sa pangyayari.
Iginiit rin ng kongresista na kailanman ay hindi nito kagagawan ang pangyayari subalit mayroon ng kaganapan noon kung saan naiugnay umano sa grupong politikal na kinaaniban ni La Viña.
Hindi rin ikinahiya ni Uy na binansagan itong nagmula sa Misamis Occidental subalit hindi nagmula sa Ozamiz City pero sa bayan ng Bonifacio na ang karamihan sa mga mamamayan ay mapag-aruga sa kapwa.
Si La Viña na hindi pa naka-file ng kanyang sertipiko de kandidatura ay inaasahan na makakaharap ni Uy pagka-mayor sa 2022 elections.
Magugunitang kapwa nag-offer ng tig-P300,000 cash reward money na sina Rufus at Klarex para sa mga taong makapagturo sa utak ng grenade throwing para malaman ng publiko kung sino ang nasa likod ng pangyayari.