-- Advertisements --

Inaasahan ng mga global economist ang magiging desisyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) hinggil sa posibleng pagpapaluwag ng patakaran sa pananalapi, o monetary policy easing, sa kanilang nalalapit na pulong ngayong buwan ng Oktubre.

Kritikal ang pagpupulong na ito dahil dito pagdedesisyunan kung magkakaroon ng pagbabago sa kasalukuyang monetary policy.

Batay sa pagsusuri ng United Overseas Bank (UOB) na nakabase sa Singapore, may pangangailangan pa rin para sa karagdagang pagsasaayos sa mga interest rates dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang mabagal na pag-unlad ng gross domestic product (GDP) ng bansa.

Sa isang pahayag na inilabas, sinabi ng ekonomista ng UOB na si Jasrine Loke na may posibilidad pa ring magkaroon ng isa pang 25-basis-point rate cut bago matapos ang kasalukuyang taon upang mapanatili ang momentum ng paglago ng ekonomiya hanggang sa taong 2026.

Ang pananaw na ito ay sinusuportahan din ng iba pang malalaking bangko at financial institutions sa rehiyon, kabilang na ang DBS Bank na isa ring malaking bangko sa Singapore, ang ING Bank na nakabase sa Netherlands, at ang MUFG Bank ng Japan.

Kung sakaling maipatupad ang isa pang rate cut sa mga huling buwan ng taon, ang key policy rate ay bababa sa 4.75%. Ito ay malaki kumpara sa dating 6.5% noong Agosto ng nakaraang taon, nang magsimula ang kasalukuyang cycle ng monetary easing na isinasagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas.