KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring pamamaril sa Prk Clemente, Brgy Zone 4, Koronadal City.

Batay sa report ng Koronadal City PNP, tatlong katao ang sugatan sa naturang insidente kung saan kinilala ang mga biktima na sina Kenneth Lozada, 27-anyos, tricycle driver at residente sang Brgy San Isidro, Koronadal City; ang mag-inang sina Bai Mariam Sabdullah, 60-anyos, Chief Administrator ng DENR at anak nitong si Hazna Potri Sabdullah, 30 anyos at admin officer ng DENR.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, sakay sa tricycle na minamaneho ni Lozada ang mag-ina nang bigla silang hinarang ng dalawang riding in tandem suspects at pinagbabaril.

Kaagad isinugod ang mga biktima sa ospital at patuloy pang inoobserbahan.

Inaalam rin ng mga otoridad ang posibleng motibo sa naturang pamamaril.