Hindi nagpaligoy-ligoy pa si Pasig City Mayor Vico Sotto at tinawag na habitual liars ang mag-asawang Discaya, na may-ari ng mga construction firm na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ikinuwento ni Mayor Sotto, na kilala na ang mga Discaya sa lokal na politika at construction circles nang siya ay unang maupo bilang mayor.
Binanggit niya na maraming kuwento ang kumalat tungkol sa kanilang mga transaksyon, ngunit nilimitahan niya ang kanyang testimonya sa mga bagay na personal niyang naobserbahan.
Tinukoy din niya na ang mga imbestigasyon at ulat kamakailan ay naglantad kung gaano kalalim ang pagkakaugat ng construction empire ng mga Discaya.
Idinagdag pa niya na halos lahat ng kumpanya ay may mga nakabinbing deficiency sa buwis, ilan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at tiyak din sa lokal na pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Sotto na habang nakikilahok pa rin sa local bidding ang mga kumpanya ng Discaya noong siya ay mayor, ito ay dahil mahigpit na ipinatutupad ng Pasig ang open at public bidding.
Bagama’t maliit ang mga kontratang nakuha nila sa Pasig, napansin niya na ang mga kontrata mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay umabot sa napakalaking halaga.
Direkta rin niyang kinuwestyon ang kredibilidad ng mag-asawa, lalo na nang maliitin umano ng kanilang sworn statement ang kanilang kinikita.
Kinutya rin ni Sotto ang pahayag ng pamilya na may mga pagkakataon umanong nalulugi sila.
Upang patibayin ang kanyang punto, inisa-isa ni Sotto ang mga numero na nagpapatunay na imposible ang kanilang pahayag.
Sinabi ni Sotto na mismong kanilang mga pahayag sa publiko ang naglantad ng mga kontradiksyon sa kanilang depensa.
Nagbabala rin ang alkalde na bagama’t totoo na may katiwalian sa iba’t ibang antas ng pamahalaan, sadyang nililito ng mga Discaya ang isyu sa pamamagitan ng pagbabanggit ng maraming pangalan nang walang ebidensya.