-- Advertisements --

MANILA – Hindi sang-ayon ang ilang mambabatas sa posibilidad na maluklok bilang House Speaker si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco nang hindi pa naipapasa sa huling pagbasa ang panukalang 2021 national budget.

Ayon kay Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. L-Ray Villafuerte, tiyak na maantala ang pagpasa ng proposed P4.5-trillion na pondo dahil sigurado na kakailanganin ng adjustment ang pag-upo ng bagong House leader.

“Tingnan mo yung nangyari last Congress, nagkaroon ng leadership change prior to the budget and unfortunately na-delay. Ito kung magpapalit ka sa third reading, not to be negative, but definitely it will disrupt and delay the budget,” ani Villafuerte sa isang virtual media briefing.

“Even if there’s no change, just the call itself is a disruption. The call for change in leadership is a delay, it will create instability, confusion,” dagdag ng kongresista.

Sa isang pahayag sinabi ng kaalyado ni Velasco na si Oriental Mindoro Rep. Salvador Leachon na hindi makakaapekto sa pagpasa ng budget ang posibilidad na iendorso ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang Marinduque congresssman bilang House Speaker.

“Definitely there will be a disruption in the budget, because a new speaker will definitely reorganize. Papalitan na naman yung chairman ng (Commitee on) Approriations, so it will really be a big disservice, and will be out of order,” ani Deputy Speaker Butch Pichay.

Iginiit ni Pichay na ang layunin ng “special session” na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang agarang pagpasa sa 2021 national budget at hindi ang botohan sa bagong pinuno ng Kamara.

Hindi tuloy maiwasang bumanat si Caloocan Rep. Edgar Erice sa presidential daughter.

“Siguro dapat i-clarify natin kay Mayor Sara kung spokesperson na niya si Congressman Leachon.”

Sa isang statement, tiniyak ni Majority Leader Martin Romualdez na mauuna muna ang pagpasa ng panukalang budget bago ang ano mang issue sa pulitika pagdating ng special session.

“Let us pass the national budget as requested by President for 2021 on third and final reading on Friady, October 16.”

Binawi ng kongresista ang nauna niyang pahayag na kikilanin ang term-sharing agreement nina Velasco at House Speaker Alan Peter Cayetano kapag lumusot na sa Kamara ang proposed budget.

“I assure my esteemed colleagues that the genteman’s agreement will be honored after the approval of the national budget for 2021 on third and final reading on Friday, October 16,” ani Romualdez sa una niyang statement sa media kanina.

Tiniyak ni Villafuerte na sapat ang tatlong araw na special session para matalakay ang mga amiyenda at iba pang issue kaugnay ng pambansang pondo.

Ayon naman kay Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor, sisiguruhin din nila papakinggan ang mga ihihirit na amiyenda ng bawat komite.

Magugunitang naipasa ng mabilis sa ikalawang pagbasa ang panukalang budget, at aminado ang majority congressmen na imposible nang balikan ang second reading dahil sa limitadong timeline ng approval sa budget.

“We still go to committee amendments kasi ang hirap nung you ask individual amendments, that’s why small committees was instituted.”