-- Advertisements --

Nilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na hindi pa nito inaabswelto ang pangalan ng kontrobersyal na si PLt. Col. Jovie Espenido na kabilang umano sa drug watchlist ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Espenido ay kabilang sa 357 umano’y narco-cops na ipinatawag ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa sa Kampo Crame na ngayon ay sumailalim na sa adjudication process.

Nais ni Año na magkaroon ng quick validation ang PNP sa mga pangalan ng mga nasabing pulis para matukoy kung sino ang guilty at sino ang inosente.

Siniguro ni Año sa mga narco-cops na sa loob ng isang buwan matatapos ang validation process.

Tinukoy din ni Año ang record ni Espenido laban sa illegal drugs ay ang ginawang pagsilbi nito ng warrant sa Ozamiz City noong 2017 na siya naging factor sa validation at adjudication process.

Aniya, ang performance ni Espenido ang posibleng naging basehan ni Pangulong Duterte kaya sinabi nito na malinis si Espinido at walang katotohanan na involved ito sa iligal na droga.

Paliwanag ng kalihim, ang drug watchlist kung saan kasama si Espenido ay binuo noon pang 2016 na base sa mga consolidated reports ng iba’t ibang ahensiya kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Giit ni Año na ang validation process ay pagkakataon para kay Espenido at sa iba pang mga pulis para patunayan ang kanilang pagka-inosente.

Sa kabilang dako, nanindigan si Gamboa na hindi pangalangan ang mga narco cops.

Binigyang diin ni Gamboa na bago pa man siya magretiro sa serbisyo sa Setyembre, dapat magkaroon na ng finality ang mga narco-cops na isinailalim sa naturang proseso.