Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) na posibleng sirain ang ilang luxury vehicles na pag-aari ng mga contractor na sina Pacifico at Sarah Discaya kung wala pa ring bibili sa nalalapit na auction sa Disyembre 5, 2025.
Kabilang ang Discayas sa mga iniimbestigahan kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects ng pamahalaan.
Nabatid na ang mga sasakyang ipapa-auction ay ang 2023 Rolls-Royce Cullinan, 2022 Bentley Bentayga, 2022 Toyota Tundra, at 2023 Toyota Sequoia.
Ayon kay BOC Deputy Chief of Staff Chris Bendijo, maaari pa ring isailalim ang mga sasakyan sa condemnation o pagsira kung wala talagang papasok na bidders. Gayunman, mas nais ng BOC na ma-convert ang mga ito sa revenue lalo na’t kailangan ng bansa ng dagdag na pondo.
Malaki ang ibinaba ng minimum bid price para sa ikalawang auction kung saan halos P10 million ang binawas sa Rolls-Royce mula sa dating P45.3 million.
Ibinaba rin ang auction price ng Toyota Tundra sa P1.5 million; Toyota Sequoia (P2.6 million); at Bentley Bentayga (P3.2 million).
Umaasa ang BOC na ang mas mababang presyo ay makahihikayat ng mas maraming bidders para sa mas magandang bidding.
Kung mabigo pa rin ang auction, maaari nang tumanggap ang BOC ng direct offers, kung saan ang presyo ay manggagaling mismo sa buyer. Subalit, may kapangyarihan pa rin ang BOC commissioner na tanggihan o tanggapin ang anumang alok.
Samantala, iniulat ni Bendijo na ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay naglabas na ng notice of restraint and levy sa iba pang natitirang sasakyan ng Discayas, at nakikipag-ugnayan na ang dalawang ahensya para sa turnover ng 17 pang units na nasa kustodiya ng BOC.
















