ILOILO CITY – Kasalukuyang naka-lockdown ang buong tanggapan ng Land Transportation Office (LTO)-Region VI sa Quintin Salas, Jaro, Iloilo City.
Ito’y matapos nagpositibo sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) ang apat na tauhan ng tanggapan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Allan Sacramento, legal counsel at pinuno ng operations division ng LTO-Region VI, sinabi nito na natuklasan ang hawaan ng COVID-19 matapos isinailalim sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test ang isa nilang empleyado makaraang nag-business trip ito.
Matapos kasi nitong nagpositibo sa COVID, agad ding isinailalim sa RT-PCR testing ang lahat ng empleyado kung saan nadagdagan ng tatlo ang nahawaan ng virus.
Ayon kay Sacramento, kapag hindi na nadagdagan ang bilang ng nagpositibo, posibleng magbukas sila sa Lunes, Abril 19.
Ngunit kapag madagdagan pa ito, “until further notice” ang pag-lockdown sa kanilang tanggapan.
Nag-abiso naman ito sa publiko na pumunta na lamang sa ibang tanggapan ng LTO kung may mahalagang ipoproseso.
















