-- Advertisements --

Nanawagan si Senadora Grace Poe sa Land Transportation Office (LTO) na mahigpit na ipatupad ang mga alituntunin sa pagbibigay ng driver’s license upang matiyak na tanging mga kuwalipikadong indibidwal lamang ang makakakuha nito.

Ayon kay Poe, dating chairman ng Senate Committee on Public Services, na ang kaligtasan sa kalsada ay nakasalalay sa mga kuwalipikado, may kasanayan, at law abiding drivers. Sila lamang aniya ang nararapat na magkaroon ng lisensya. 

Noong Huwebes, Mayo 1, isang aksidente na kinasangkutan ng maraming sasakyan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway ang kumitil ng buhay ng hindi bababa sa 10 katao, kabilang ang apat na bata, at ikinasugat ng marami.

Nakiramay si Poe sa mga pamilya ng mga biktima at nanawagan ng agarang aksyon sa insidente.

Nang maisabatas ang panukalang kanyang isinulong na nagpapalawig ng validity ng driver’s license mula limang taon tungo sa sampung taon sa pamamagitan ng Republic Act No. 10930, sinabi ni Poe na ito ay para sa mga driver na inuuna ang kaligtasan sa kalsada.

Tanging mga driver aniya na walang traffic violation ang maaaring makakuha ng 10-taong lisensya.

Hinimok ni Poe ang LTO at iba pang ahensya na huwag maging kampante laban sa mga pasaway na driver at iba pang lumalabag sa batas-trapiko upang matiyak na hindi sila makapaminsala sa kalsada.

Aniya, dapat maparusahan ang mga lumalabag at gantimpalaan ang mga driver na may malinis na record. 

Ang lisensya aniya ay isang pribilehiyo na may kaakibat na mabigat na pananagutan.