-- Advertisements --

Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa kilalang female motorcycle vlogger na si “Yanna” matapos niyang murahin at magpakita ng dirty finger sa isang pick-up truck driver sa Zambales.

Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, pinasisilip na kung dapat suspindihin o bawiin ang lisensya ni Yanna dahil sa pagiging “improper person to operate a motor vehicle.”

Si Yanna ay may 435,000 followers sa social media.

Base sa viral video na sinuri ng LTO, ipinakita ni Yanna ang kanyang dirty finger sa pick-up driver na inakusahan niyang reckless magmaneho. Nagharap pa ang dalawa at nagpalitan ng maaanghang na salita, kahit pa humingi ng paliwanag ang lalaki.

Giit ng LTO, bilang isang influencer, dapat sana’y ginamit ni Yanna ang kanyang plataporma para isulong ang responsableng pagmamaneho at kaligtasan sa kalsada.

Bagamat humingi na ng paumanhin ang vlogger ay itutuloy parin ng LTO ang imbestigasyon.