-- Advertisements --

Agad na naglabas ng Show Cause Order ang Land Transportation Office sa rider na nangahas pumasok sa car-free zone noong Linggo, August 30, habang isinasagawa ang car-free Sunday sa Makati City.

Sa naging imbestigasyon ng ahensya, dalawang inosenteng runner ang nabangga ng motorcycle rider na nagpumilit magmaneho sa naturang running zone noong Linggo ng umaga.

Dahil sa lakas ng impact, dalawang lalaking runner ang sugatan at nagtamo ng mga sugat sa ulo. Kasama rin na humandusay sa kahabaan ng kalsada ang rider matapos ang insidente.

Ayon sa Makati police, nangyari ang insidente alas nuebe ng umaga. Batay sa naging imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na 17 anyos ang rider na nanggaling pa sa EDSA, at patungo sana sa Paseo De Roxas, nang pumasok sa saradong kalsada kahapon.

Dahil sa insidente, inatasan ng LTO ang rider na sangkot sa insidente na humarap sa tanggapan ng Investigation Division para sa isasagawang hearing na nakatakda naman sa September 8, 2026.

Isasailalim naman sa alarm ang sasakyan at driver’s license ng motorcycle rider habang gumugulong ang imbestigasyon. Samantala, papatawan naman ang rider ng 90 days preventive suspension.

“Maaaring maharap ang rider sa paglabag sa Reckless Driving at Disregarding Traffic Signs. Gayundin sa pagsuspinde o pagbawi ng kanyang driver’s license dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.” – Land Transportation Office – Philippines