Sinisiguro ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na masusing nirerepaso ang bawat aplikasyon para sa special permits na ibinibigay sa mga pampasaherong bus ngayong kapaskuhan at bagong taon.
Layon ng hakbang na ito na matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga mananakay sa panahon na inaasahang dadami ang mga biyahero.
Tinitiyak ng LTFRB na ang lahat ng mga bus na bibigyan ng special permits ay pumasa sa mas rigorous na road worthiness inspections.
Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, inaasahan na dadagsa ang mga pasahero ngayong holiday season.
Kaya naman, pinaghahandaan na ito ng ahensya upang matugunan ang pangangailangan ng publiko sa transportasyon.
Idinagdag pa ni Chairperson Mendoza na mas mainam na sumobra ang bilang ng mga pampasaherong bus na may special permits kaysa magkulang.
Sinimulan ng LTFRB ang pagtanggap ng aplikasyon para sa special permit noong November 10 at nagtapos noong November 21.
Ito ay para sa 116 na ruta sa buong bansa.
Ang saklaw ng special permit ay mula December 15, 2025 hanggang January 16, 2026.
















