camilo cascolan
Lt. Gen. Camilo Cascolan

Itinalaga bilang officer-in-charge (OIC) si Philippine National Police deputy chief for administration, Lt. Gen. Camilo Cascolan, habang nagre-recover sa hospital si police chief Gen. Archie Gamboa matapos bumagsak ang sinakyang Bell 429 helicopter sa Laguna kahapon.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, itinalaga niya bilang OIC ang second in command para pamunuan ang PNP habang naka non-duty status si Gamboa.

Una rito sa video message ni Gamboa mula sa kaniyang hospital bed sinabi nito na balik na siya sa trabaho sa Lunes.

“Sa ating mga kababayan at lalo na sa ating kapulisan ako eh lumabas ngayon dito para ipakita sa inyong okay ako, hindi naman ako nasaktan,” pahayag ni Gamboa.

Iniimbestigahan na ngayon ng DILG at PNP ang Laguna crash.

Nananatiling nasa kritikal namang kondisyon ang dalawa pang heneral na sina M/Gen Joviec Ramos at si M/Gen. Mariel Magaway.

Itinalaga naman ni Gamboa si B/Gen. Ronnie Olay bilang OIC ng Directorate for Comptrollership habang nagpapagaling sa hospital si Ramos.

Habang si B/Gen. Jesus Cambay naman ang itinalagang OIC sa Directorate for Intelligence habang nagpapagaling din si Magaway.