-- Advertisements --

Tuluyan nang naging ganap na bagyo ang binabantayang low pressure area o LPA sa silangan bahagi ng Virac, Catanduanes.

Ang tropical depression Hanna ay inaasahang lalong magpapaibayo sa hanging habagat pero wala namang inaasang pag-landfall ang sentro nito.

Ayon sa Pagasa, huling namataan ang bagyo sa layong 1,095 kilometro mula sa bayan ng Infanta (as of 5AM).

Taglay ni “Hanna” ang lakas ng hangin na 55 kph malapit sa gitna na merong pagbugso ng hangin na umaabot naman sa 70 kph.

Batay sa pagtaya ng Pagasa maaaring makalabas sa teritoryo ng Pilipinas ang sama ng panahon sa Biyernes kung magpapatuloy ang pag-usad nito sa 15 kph na may direksiyong west northwest.

Sinabi pa ng Pagasa na sa loob ng 24 oras ay lalakas pa ito at maaaring maging isang tropical storm na.

Iniulat naman ni Ezra Bulquerin, Pagasa weather specialist, ang mga lugar na posibleng makaranas ng moderate hanggang heavy monsoon rains ay ang Metro Manila, Mimaropa areas, Bataan, Zambales, Cavite, Laguna at Batangas.

Habang kalat kalat namang pag-ulan at pagkidlat ang inaasahan sa Ilocos region, CAR, Western Visayas, at iba pang parte ng central Luzon bunsod ng southwest monsoon.

Ang iba pang bahagi ng bansa ay makakaapekto lamang ang isolated rains.

Ito na ang ika-walong bagyo na pumasok sa Pilipinas ngayong taon.