-- Advertisements --

Sunod-sunod nang humiling ng karagdagang supply ng bigas ang ilan pang lokal na pamahalaan mula sa National Food Authority (NFA) dahil kasabay ng malawakang relief operation sa mga inilikas na residente dahil sa malawakang pagbaha.

Unang humiling ang provincial government ng Palawan ng 300 sako ng bigas at sinundan ng Puerto Princesa City ng karagdagang 200 sako ng bigas.

Kinalaunan, sumunod na pinadalhan ng NFA ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Tarlac.

Sinundan ito ng kabuuang 1,000 ng well-milled rice sa probinsya ng Pampanga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay NFA Administrator Larry Lacson, agad na ipinapadala ang bulto ng bigas mula sa mga bodega patungo sa mga LGU at mga ahensiyang hihiling ng karagdagang supply upang maitulong sa mga mamamayan na apektado ng malawakang pagbaha.

Nananatili itong bukas sa mga karagdagang request mula sa mga LGU na nangangailangan ng dagdag na supply.

Tinitiyak ng NFA na ang lahat ng inilalabas na bigas ay pumapasa sa mahigpit na quality standards ng ahensya bilang pagtupad sa mandato nitong mapanatili ang sapat at kalidad na buffer stock na maaring ipamahagi tuwing may sakuna o emergency.

Maaaring maabot ang ahensiya sa pamamagitan ng hotline no. 09171139347.