BUTUAN CITY – Tataas ang bayarin sa kuryente ng mga konsumidor ngayong buwan ng Hulyo.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, ito ay dahil sa pagtaas ng singil sa transmission at Ancillary Services o AS rates.
Paliwanag ni NGCP spokesperson Kristopher Abellanosa, tumaas ng 5.49% ang average transmission rate para sa June 2025 billing period mula sa dating PhP1.1482 kada kilowatt-hour noong Mayo, kung kaya’t ito’y PhP1.2113 kada kilowatt-hour na nitong Hunyo.
Ang pagtaas ay dahil sa 9.32% na dagdag sa AS rates, o ang bayad para sa kuryenteng ginagamit upang mapanatiling matatag ang power grid, lalo na kapag may kakulangan o sobra sa supply.
Nilinaw ng opisyal na hindi sila kumikita sa AS charges na direktang ibinabayad sa mga power suppliers at sa electricity market operator at wala rin silang kontrol sa presyo nito.
Payo ng NGCP, patuloy na maging matipid sa paggamit ng kuryente lalo na sa panahon ng tag-init at patuloy na pagtaas ng demand nito.