-- Advertisements --

Kumpyansa ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na susunod ang iba’t ibang mga e-wallet platforms sa inisyung direktiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP hinggil sa isyu ng online gambling.

Ayon kay DICT Secretary Henry Rhoel Aguda, tiwala ang kagawaran na agaran itong gagawin ng mga kumpanya bilang pagsunod sa inilabas na direktiba.

Maaalala kasing iniatas ng Bangko Sentral ng Pilipinas na ipatanggal sa e-wallet platforms ang mga links na direktang may koneksyon sa mga online gambling sites.

Alinsunod ito sa naganap na pagdinig sa Senado partikular ng Senate Committee on Games and Amusement.

Kaya’t inihayag ni Information and Communications Technology Secretary Aguda na ang implementasyon mapatanggal ang mga links sa loob ng 48-oras ay posibleng maisakatuparan ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa pagpapatupad ng naturang implementasyon sa loob ng 48-oras, ani Secretary Aguda, wala silang nakikitang dahilan para ito’y hindi maisakatuparan.

Habang kanya pang ibinahagi na ang kagawaran ay nakaantabay na upang i-monitor ang naturang pagtanggal sa mga links na may koneksyon sa online gambling sites mula sa mga e-wallet platforms.

Kanya namang tiniyak na pati ang CICC o ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center ay nakabantay sa implementasyon ng direktiba.

Kaya’t sinabi pa ni Secretary Aguda na possible itong tuluyan matanggal na hanggang bukas, linggo ng umaga.

Sa kasalukuyan ang ilang e-wallet platforms ay nauna ng inihayag na sila’y tatalima sa inisyung direktiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas na tanggalin ang mga links ng online gambling sites.