(Update) LEGAZPI CITY – Naaresto na ng mga otoridad ang lider ng nasa 15 miyembro ng pinaniniwalaang New People’s Army (NPA) na nakasagupa ng mga otoridad kahapon sa Sitio Pino, Barangay Ban-ao, Placer, Masbate.

Hawak na ngayon ng mga pulis si Ernesto Pino alyas Ka Bunso na nahuli matapos na magpunta sa ospital upang ipagamot ang tama ng bala na tinamo mula sa engkwentro.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Major Roel Pedro ang hepe ng Placer PNP, agad umanong naglagay ang mga otoridad ng checkpoint at isinagawa ang hot pursuit operation laban sa grupo.

Hanggang sa makatanggap ng impormasyon na itinakbo na ang suspek sa Masbate hospital kung kaya agad na itong hinuli.

Ayon kay Pedro, ilang buwan na rin nilang binabantayan ang galaw ng grupo na nangha-harass umano sa mga sibilyan at nagsisilbi rin na private armed group sa hindi na pinangalanan pang politiko.

Sa ngayon, sasampahan na ng mga kaukulang kaso ang naturang suspek habang patuloy pa rin na pinaghahanap ang mga nakatakas nitong kasamahan.