CAUAYAN CITY – Umabot sa 2 hectares na taniman ng marijuana ang sinira at sinunog ng mga otoridad sa isinagawang marijuana eradication sa Loccong, Tinglayan, Kalinga.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, isinagawa ang naturang operasyon nang ibunyag ng dalawang nadakip na suspek sa isang anti-illegal drug buybust operation sa Quezon, Isabela ang mga impormasyon may kaugnayan sa nasabing plantasyon ng Marijuana.
Isinagawa ng naturang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng PNP Drug Enforcement Group, Special Operation Unit 2, Regional Drug Enforcement Unit 2, Police Regional Office 2, Regional Intelligence Unit-14, ISABELA Provincial Intelligence Unit, Provincial Drug Enforcement Unit o PDEU/PIU Isabela led, Gonzaga Municipal Police Station, Provincial Drug Enforcement Unit, Kalinga, RID Police Regional Office – Cordillera PDEA Isabela, PDEA Kalinga, CIDG Kalinga-Apayao, Tinglayan Municipal Police Station, Special Action Force o SAF, Kalinga 2nd Coy KPMFC.
Aabot sa mahigit P7.9 million ang halaga ng mga sinira at sinunog na marijuana.
Umabot naman sa dalawang araw ang tinagal ng operasyon at ayon sa mga otoridad hindi naging madali ang pagpasok sa bulubunduking bahagi ng nasabing lugar.
Kaugnay nito ay limang lugar ang tinungo ng mga otoridad kung saan sa unang lugar ay mahigit 6,000 marijuana plants na nakatanim sa 800 square meters na lupain.
Sa ikalawang lugar ay 2,400 na marijuana plants na nakatanim sa 55o square meters na lupain.
Sa pangatlong lugar ay narekober naman ang 30 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may halagang P3.6 million at isang kilo ng marijuana seeds na nagkakahalaga naman P25,000.00.
Sa pang-apat na lugar naman ay umabot sa 4,800 na marijuana plants na nakatanim sa 600 square meters na lupain ang sinira rin ng mga otoriidad.
Tinatayang nagkakahalaga ng halos isang milyong piso.
Aabot naman sa P1.2 million ang halaga ng 6,000 marijuana plants na nakatanim sa 600 square meters na lupain ang panglimang lugar na tinungo ng mga otoridad.
Nagtagumpay ang mga otoridad sa kanilang operasyon kung saan kanilang binunot at sinunog ang libu-libong marijuana plants.