CENTRAL MINDANAO – Namigay muli ng relief packs ang lokal na pamahalaan ng Northern Kabuntalan, Maguindanao para sa libu-libong pamilya na apektado ng krisis ng Coronavirus Disease (COVID-19) pandemic sa bansa.
Ayon kay Northern Kabuntalan Mayor Datu Ramil Dilangalen na nasa pang-apat na beses na silang namigay ng tulong sa lahat ng mga residente sa 12 barangay ng bayan.
Gumamit pa ang LGU-Northern Kabuntalan ng motor banca mapasok lamang ang mga coastal area na nasa gilid ng Liguasan Marsh at Rio Grande de Mindanao para mabigyan ng ayuda ang mga residente.
Sinabi rin ni Vice-Mayor Mary Jean Bayam na walang naitalang COVID-19 suspected cases sa bayan ng Northern Kabuntalan.
Samantala, nakatutok ngayon ang LGU-Northern Kabuntalan sa balik probinsya program ng pamahalaan.
Lahat na uuwi na residente ng bayan mula sa Manila at iba’t ibang lugar sa bansa ay sasailalim sa 14 day quarantine.
Dagdag ni Mayor Ramil Dilangalen na may mga isolation room na silang inilagay at kung may magpositibo sa COVID-19 ay agad itong ililipat sa Provincial Isolation Facility.
Sa ngayon ay hinigpitan pa ang mga COVID checkpoint sa mga entry at exit points sa bayan ng Northern Kabuntalan kontra sa nakakahawang sakit.