Pormal na hiniling ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ang kanyang agarang at walang kondisyong paglaya at ang pagtigil ng lahat ng kasalukuyang proseso laban sa kanya.
Noong Nobyembre 14, 2025, nagsumite ang depensa ng 21-pahinang “Appeal Brief on Jurisdiction” sa Appeals Chamber, na kumukwestyon sa desisyon ng Pre-Trial Chamber I noong Oktubre 23, 2025.
Sa naturang desisyon, pinanatili ng ICC ang hurisdiksiyon nito upang ipagpatuloy ang kaso laban kay Duterte.
Iginiit ng depensa na nagkaroon ng malalaking pagkakamali sa batas ang ICC sa naturang ruling, at nanindigan na nawalan na ito ng hurisdiksiyon matapos ang pormal na pag-alis ng Pilipinas sa ICC.
Kabilang sa kanilang pangunahing argumento ang pagtanggi sa lex specialis, ang depinisyon ng “Matter Under Consideration”, at ang umano’y hindi pagkakasama ng Prosecutor.
Sa kanilang apela, mariing hiniling ng depensa sa Appeals Chamber na: “baligtarin ang desisyon; kilalanin na walang hurisdiksiyon para ipagpatuloy ang mga proseso laban kay Duterte; at ipag-utos ang kanyang agarang at walang kondisyong paglaya.”
Samantala, naglabas ng hiwalay na utos ang ICC na magtatag ng bagong panel ng mga eksperto upang muling suriin ang kaso ni Duterte. Inatasan ang Panel na magsumite ng kanilang ulat, joint o individual, sa Registry bago o sa Disyembre 5, 2025. Inutusan din ang depensa, prosekusyon, at Office of Public Counsel for Victims (OPCV) na magbigay ng kani-kanilang obserbasyon hinggil sa ulat ng Panel bago o sa Disyembre 12, 2025.
















