Nagpapatuloy na ang nationwide bloodletting drive ng Bombo Radyo Philippines sa 25 key areas.
Isinasagawa ngayong Nobyembre 15, 2025 ng Bombo Radyo Philippines, katuwang ang Bombo Radyo Philippines Foundation, Inc. at ang Philippine Red Cross, ang pinakahihintay na Dugong Bombo 2025, ang single-day bloodiest voluntary blood donation event, sabay-sabay sa 25 pangunahing lugar na suportado ng 32 fully digitalized AM and FM stations.
Ngayong taon, mas malalim ang kahulugan ng Dugong Bombo habang patuloy na bumabangon ang bansa mula sa mapaminsalang mga bagyo at kamakailang malakas na lindol na tumama sa iba’t ibang rehiyon.
Ang pangangailangan para sa sapat at matatag na suplay ng dugo ay muling nagbigay-diin sa kahalagahan ng mga community-driven humanitarian initiatives gaya ng Dugong Bombo.
Mula sa iba’t ibang panig ng bansa, libu-libong Pilipino, mula sa mga ahensya ng gobyerno, civic organizations, religious groups, paaralan, uniformed personnel, pribadong kumpanya, at mga indibidwal na donor, ang muling tumutugon nang may tapang at malasakit.
Nariyan din ang buong suporta ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa bloodletting event ngayong taon, na nananawagan sa mga mananampalataya na makiisa bilang kongkretong pagpapahayag ng pananampalataya, pagkakawanggawa, at pakikiisa sa mga nangangailangan.
Sa loob ng mahigit dalawang dekada, nagsilbing maaasahang lifeline ang Dugong Bombo para sa mga blood bank, ospital, at emergency response units, nagbibigay ng libu-libong blood units na nakapagliligtas ng hindi mabilang na buhay taon-taon.
Ang epekto nito ay patuloy na nararamdaman kahit matapos ang mismong araw ng pagtitipon, ang simpleng pagbibigay ay nagiging makapangyarihang simbolo ng pag-asa at paggaling.
Sa temang “A little pain, a life to gain”, pinaaalala ng inisyatibo ngayong taon sa bawat Pilipino na bagama’t ilang sandali at kaunting kirot lamang ang dulot ng pagbibigay ng dugo, maaari itong maging tugon sa pagitan ng buhay at kamatayan para sa isang taong nasa kritikal na pangangailangan.
Sa kabila ng mga makabagong teknolohiya, wala pa ring kapalit ang dugo ng tao kapag ito ay kinakailangan.
Habang isinasagawa ang Dugong Bombo 2025 sa buong bansa, muling pinagtitibay ng Bombo Radyo Philippines, katuwang ang Bombo Radyo Philippines Foundation, Inc. at ang Philippine Red Cross, ang kanilang pangako sa paglilingkod-bayan, pagpapalakas ng komunidad, at pagliligtas ng buhay ng mga Pilipino—isang mahalagang donasyon sa bawat pagkakataon.















