-- Advertisements --

Tinugunan na ng dating kinatawan ng Ako Bicol Partylist na si Zaldy Co ang matinding galit at batikos na kanyang natatanggap matapos ang una niyang serye ng akusasyon laban sa administrasyon.

Ayon kay Co, nauunawaan niya ang sentimyento ng taumbayan subalit hiniling nito na bago siya husgahan ay hayaan muna siyang ipaliwanag ang buong katotohanan.

Giit niya, marami pa umano siyang hawak na impormasyon tungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng ₱100 bilyong proyekto na sinasabing idinagdag sa pambansang badyet. 

Aniya, maglalabas pa siya ng dagdag na detalye, ebidensya, at mga pangalan na sangkot sa umano’y anomalya.

Kasunod ng kanyang pahayag, tumindi ang interes ng publiko at mga mambabatas sa posibleng magiging epekto ng mga rebelasyong ito sa kasalukuyang pamahalaan. Gayunpaman, nananatiling tahimik ang mga opisyal na binanggit ni Co.

Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon mula kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating Speaker Martin Romualdez, o ang Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa mga paratang ng dating kongresista.