-- Advertisements --

Tiniyak ng Pambansang Pulisya na patuloy naka-monitor ang kanilang command center para maseguro ang kaligtasan ng mga bakwit pabalik ng kani-kanilang mga tahanan.

Kasunod nang manalasa ang bagyong Uwan sa bansa, personal pang binisita ni Philippine National Police Chief Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang PNP Command Center ngayong araw.

Kanyang pinangunahan na masubaybayan pa rin ang operasyon ng kapulisan upang magbigay tulong lalo na sa mga apektadong lugar.

Kasama si Police Colonel Ramon Pranada, hepe ng PCC, kanilang tiningnan ang mga ulat sa iba’t ibang rehiyon at yunit ng pulis nakatalaga sa lokasyon na hinagupit ng bagyo.

Layon anila sa pagbisita sa command center na tiyakin mabantayan ang relief operations, rehabilitasyon, at pati seguridad ay maayos naisasagawa at napapanatili.

Kahit pa tapos nang manalasa ang bagyo, binigyang diin ng hepe ng pambansang pulisya ang kahalagahan na patuloy pa ring maging handa pati sa pagtulong upang muling makabangon mga residenteng lubhang naapektuhan.

Kung kaya’t nananatiling 24/7 ang operasyon ng command center para patuloy makipag-ugnayan sa mga yunit nasa field na masegurong mapabilis ang pagbabalik ng mga evacuees sa normal nilang mga buhay.

Bilang lider ng pambansang pulisya, ang pagbisita anila ni Chief PNP Nartatez Jr. ay bilang pagpapakita na matapos ang sakuna, patuloy pa rin ang paglilingkod nito sa mamamayan.