-- Advertisements --
Bill Withers
Bill Withers/ Twitter image of Brian Wilson

Pumanaw na ang singer-songwriter na si Bill Withers sa edad 81.

Ayon sa pamilya nito, nalagutan ng hininga ang singer sa Los Angeles dahil sa heart complications.

Nakilala ang singer sa mga kanta gaya ng “Lean On Me” , “Ain’t No Sunshine”, “Lovely Day” at maraming iba pa.

Nagbigay pugay at nalungkot ang ilang mga singer matapos na mabalitaan ang pagkamatay ni Withers.

Sa kaniyang Twitter account nagpost ng larawan si Lenny Kravitz na may caption ng labis na kalungkutan.

Maging ang anak ni US President Donald Trump na si Ivanka ay nagpost din ito ng music video ng isa sa kaniyang iniidolong singer.

Ipinanganak sa Slab Fork, West Virginia si Withers na sumali sa navy noong kabataan pa niya.

Matapos ang siyam na taon sa military ay lumipat ito sa Losa Angeles noong 1968 para ipursige ang singing career nito.

Taong 1971 ng inilabas nito ang unang album niya na “Just As I Am” na kasama ang kantang “Ain’t No Sunshine” at “Grandma’s Hands”.

Pumatok ang kanta nitong “Ain’t No Sunshine” noong 1972 kung saan nakakuha pa itong Grammy award dahil sa nasabing kanta.

Sa taong din yun ay inilabas niya ang kantang “Lean On Me” na hango sa buhay kabataan nito sa West Virginia kung saan naging numero 1 ito sa R&B chart.

Ginamit ang nasabing kanta sa pelikula ni Morgan Freeman noong 1989 at sa inaugurations nina US President Bill Clinton at Barack Obama.

Noong 2015 ay na-induct ito sa Rock and Roll Hall of Fame.

Ikinasal ito kay Marcia Johnson noong 1976 at nabiyayaan sila ng anak na lalaki na si Todd at babae na si Kori.