-- Advertisements --

Mariing tinutulan ng Trade Union Congress of the Philippines ang planong pagtataas ng Department of Transportation (DOTr) sa airport terminal fee ng 50 percent.

Ang kanilang pagtutol ay suportado naman ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), na nagpahayag din ng kanilang pagkabahala sa magiging epekto nito sa mga mananakay.

Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, ang ipinapanukalang dagdag na bayarin sa terminal fee ay masyadong mataas at hindi katanggap-tanggap para sa ordinaryong commuter.

Naniniwala sila na ang malaking halaga na idadagdag sa bayarin ay magiging isang mabigat na pasanin para sa mga pasahero.

Idinagdag pa ng LCSP na karamihan sa mga mananakay ay nagtitipid at may limitadong budget, kaya’t mas pinipili nila ang mga “budget airlines” upang kahit papaano ay mapababa ang kanilang gastusin sa pasahe.

Matatandaan na unang tinutulan ng TUCP ang planong ito nang ipagtanggol ni Transport Secretary Vince Dizon ang pagtataas ng singil sa terminal fee.

Ayon kay Secretary Dizon, ang pagtataas ng bayarin ay bahagi ng concession agreement sa New NAIA Infra Corp.

Ngunit ayon kay Atty. Inton, hindi dapat ipasa sa mga pasahero ang dagdag na bayarin upang mapondohan ang planong pagpapa-renovate o pagpapa-improve ng mga airports.

Aniya, ang pagpapaunlad ng mga paliparan ay hindi dapat maging dahilan para pahirapan ang mga mananakay.