Nagbabala ngayon ang Lawyers for Commuters Safety and Protection laban sa mga scalpers at mga colorum na sasakyan ngayong Undas .
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), pinag-iingat nito ang mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang mga probinsya dahil aniya walang prangkisa ang mga colorum na sasakyan, walang insurance, hindi na drug at liquor test ang mga driver at posibleng hindi alam ng driver ang ruta.
Paalala pa ni Atty. Inton na sumakay lamang sa lehitimong pampublikong transportation at na sana’y naiplano ng maaga ang mga biyahe o may reservation para di mabiktima ng mga scalper at hikayatin pang sumakay ng colorum na sasakyan.
“Sana naiplano natin ng maaga yung ating mga biyahe. Mag-iingat po tayo sa mga scalper at mga colorum na sasakyan.Mas mainam na dun po lamang tayo sasakay sa mga legitimate public transportation,” ayon sa abogado.
Isa pa umano sa mga palatandaan na colorum ang isang sasakyan ang kawalan nito ng marking.
Aniya, maaari naman umanong magsampa ng kaso ang mga mabibiktima gayunpaman, ang realidad pa ay isang abala lamang ito kaya ang pinakamaganda pang gawin ay ang pagreport at pagtawag sa mga hotline o helpdesk ng LTO sa mga terminals.
“Pwedi silang magsampa ng kaso ang mga nabiktima, pero ang reyalidad ay mga pasahero ayaw nang maisturbo. Kapag kasuhan, aattend ka pa ng hearing. So ang pinakamaganda, tawag sa hotline o may mga helpdesk ang LTO sa mga terminal,”saad ni Inton.
Dagdag pa ng abogado na ang kanilang grupo ay maaari namang makatulong sa mga pasaherong may mga complaint sa pamamagitan ng serbisyong legal.
Hinikayat din nito ang mga biyahero na maging maingat sa biyahe, iwasang magmaneho ng may mabigat na problema o suliranin upang maiwasan ang mga roads rage.
 
		 
			 
        















