Matagumpay ang paglulunsad ng P20 kada kilo rice program ng gobyerno sa Cebu kahapon na pinangunahan ng Department of Agriculture, kung saan ipinagmalaki ng mga nakabili na magandang klase ang bigas ang kanilang nakuha.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, marami ang nakinabang sa ibinentang murang bigas.
Nilinaw naman ni Castro na ang rollout ng P20 kada kilo na bigas ay sa Cebu kung saan ibinibenta ito sa mga Kadiwa Centers.
Aniya wala pang naro -rollout na P20 kada kilo na bigas dito sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa.
Siniguro ni Castro na may sapat na suplay ng bigas ang gobyerno para sa nasabing programa.
Pagtiyak din ng opisyal na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng sa gayon magtuloy-tuloy ang nasabing programa.
Aniya hanggang sa katapusan ng taon kayang isustine ng pamahalaan ang pagbebenta ng P20 kada kilo na bigas.
Gayunpaman,isasama na sa national budget para sa susunod na taon ang pondo para sa rice subsidy.