Kinumpirma ni bagong Agriculture Sec. William Dar na nakipag-ugnayan na sila sa Land Bank of the Philippines (Landbank) kaugnay sa naging direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bangko ng estado na bumalik sa kanilang tunay na mandato para sa mga magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Sec. Dar na iniharap na ng Landbank ang kanilang plano para maitaas pa ang kanilang exposure o ipapautang para sa mga magsasaka.
Ayon kay Sec. Dar, sa kasalukuyan ay nasa P9 billion lamang ang nakalaan sa agricultural credits ng Landbank kung saan nasa isang milyong magsasaka lamang sa buong bansa ang nakaka-avail.
Inihayag ni Sec. Dar na balak ng Landbank na triplehin ito at gawing P30 billion sa susunod na tatlong taon para maka-cover ng tatlong milyong magsasaka.
Idinagdag pa ng kalihim na pursigido siyang isulong ang kanyang hangaring mapataas ang produksyon at kita ng mga magsasaka kung saan ay dodoble ang income sa susunod na limang taon.