-- Advertisements --
NDRRMC2

Inanunsiyo ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na pansamantalang kanselado muna ang land travel papunta sa Catanduanes, Masbate, Visayas at Mindanao dahil sa sama ng panahon dulot ng papasok na bagyong Odette.

Ayon sa NDRRMC ang nasabing kautusan ay pirmado nina Office of the Civil Defense 5, Regional Director Lord Franciso Ranches,at Office of the Civil Defense 8 Regional Director Lord Byron Torrecarion, nakapaloob na epektibo ang kautusan simula alas-8:00 at alas-9:00 ng umaga ng December 14.

Ito’y bilang pag-iingat sa sama ng panahon at maiwasan ang posibleng pagka stranded ng mga motorista sa Maharlika Highway na nagdudugtong sa dalawang lalawigan at ang pagdagsa ng mga tao sa mga terminal at pantalan dahil sa sama ng panahon.

Sakali namang inabutan ng deklarasyon habang nasa biyahe papuntang Eastern Visayas, ay papayagan pa rin ang mga itong makatawid.

Tuloy pa rin ang sea travel hanggat walang temporary suspension ng port operations sa Eastern Visayas.

Samantala, naglabas naman ng notice to mariners ang Philippine Coast Guard na pansamantalang suspendido muna ang biyahe ng mga barko at anumang uri ng watercraft sa Surigao del Norte.

Pinaghahanda ng National Disaster Risk Reduction Management Council ang publiko hinggil sa epekto ng bagyong Odette lalo na ang mga apektadong lugar dahil sa banta ng pagbaha, pagguho ng lupa at mga panganib nang malakas na hangin.