KORONADAL CITY – May person of interest nang sinusundan ang mga otoridad kaugnay sa pagpapasabog ng granada sa bahay ng isang pulis sa Purok Linlingan Brgy. Poblacion, Lambayong, Sultan Kudarat.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Capt. Herman Luna, hepe ng Lambayong PNP, dalawang mga suspek ang itinuturong responsable kung saan isa sa kanila ang naghagis ng granada sa labas ng bahay ni Police Staff Sergeant Nilo Catajay habang ang isa nama’y naka-standby sa motorsiklo.

Wala namang nasugatan sa naturang insidente ngunit nagdulot ito ng takot sa mga residente.

Batay sa analysis ng Explosive and Ordnance Team, isang M-26 grenade ang hinagis ng mga suspek.

Tinitingnan ng mga otoridad na posibleng may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga o work-related ang naturang insidente.