CAGAYAN DE ORO CITY – Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang babaeng kasama ng lalaking natagpuang patay sa loob ng isang lodging house sa may Barangay Kauswagan sa lungsod.

Ito ay upang malaman kung isang bayarang babae o kaya’y kalaguyo ng biktimang si George Mendez, 43, at residente ng Brgy Patag ang babaeng kaniyang kasama sa lodging house.

Ayon kay Staff Sgt Hernan Abalde, imbestigador ng Carmen Police Station na batay sa pahayag ng ka-live in ng biktima noon pang Abril 24 pa niya itong hinahanap matapos itong nawawala.

Gusto umanong malaman ng kinakasama ni Mendez kung sinong babae ang kalaguyo nito na posibleng siya ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Napag-alaman na mayroong sex enhancement drugs na nakita ang mga otoridad sa kwarto kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima.

-- Advertisement --

Pinaniniwalaan na namatay sa cardiac arrest si Mendez habang nagtatalik kasama ang babae.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang nasabing pangyayari.