CAUAYAN CITY- Patay ang isang nangangalakal matapos na saksakin ng anak ng kanyang kinakasama na may diperensiya sa pag-iisip sa Purok 4, Barangay Nagassican, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kinilala ang biktima na si Francisco Gaco, 34 anyos, mangangalakal, tubong Aglipay, Quirino at pansamantalang naninirahan sa Santiago City habang ang suspect ay si Resen Marquez,25 anyos, binata, walang trabaho,may epilepsy at may diperensiya sa pag-iisip na residente rin ng nabanggit na lugar .
Batay sa pagsisiyasat ni PCorporal Jahn Ghran Bayang ng Presinto Uno, napag-alaman na dahil sa hindi pagkakaunawaan ng dalawa ay humantong sa krimen .
Bago ang pananaksak sa biktima ay abala umano ang suspect sa paglilinis ng isda nang marinig nito ang pag-aaway ng biktima at ng kanyang ina.
Nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at kanyang kinakasama na si Lanie Marquez, 50 anyos, nangangalakal dahil sa sapilitang pagkuha nito ng certificate of registration at original receipt ng kanilang Motorsiklo
Dahil dito, pumagitna sa away ng mag-asawa ang suspect.
Nagawa pa umanong pagbantaan ng biktima at pinagsusuntok ng dalawang beses ang pinaghihinalaan
Dahil sa panununtok ng biktima ay sinaksak siya ng suspect sa kanyang tagiliran na nagresulta sa agarang pagkamatay ni Gaco.
Agad namang nadakip ang suspect na mahaharap sa kasong homicide at kasalukuyang nasa pangangalaga na ng SCPO Custodial Facility para sa kaukulang disposisyon.