Binabawasan ng administrasyong Marcos ang discretionary powers o malawak na kapangyarihang magpasya ng mga opisyal ng gobyerno at ginagamit ang digitalization upang mas maprotektahan ang pondo ng bayan laban sa korapsyon at pag-aaksaya.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may mga mekanismo na para sa pagbabantay sa pondo ngunit hindi umano ito palaging naipatutupad nang maayos.
Ayon sa Pangulo, napunta na sa mas mababang antas ng burukrasya ang ilang malalaking desisyon sa paggastos, kabilang ang mga desisyong nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso.
Dahil dito, sinabi niyang kailangang bawasan ang discretionary powers dahil maaari itong magbukas ng pagkakataon para sa korapsyon.
Itinuturing naman ni Pang. Marcos ang digitalization bilang mahalagang paraan upang mabawasan ang human intervention sa mga proseso ng gobyerno at mapaliit ang posibilidad ng korapsyon at pag-aaksaya ng pondo.
Sinabi ng Pangulo na patuloy na aayusin ng administrasyon ang mga proseso upang matiyak na hindi naaabuso ang kapangyarihan sa pagpapasya at ligtas at patas na nagagamit ang pondo ng publiko.
















