Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga patakaran sa trabaho kapag masama ang panahon, kasunod ng patuloy na pag-ulan na dulot ng pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat.
Ayon sa Labor Advisory No. 14 na nilagdaan ni Labor Secretary Francis Tolentino, maaaring tumangging pumasok ang isang empleyado kung may malinaw na panganib sa kanyang kaligtasan dahil sa masamang panahon.
Gayunpaman, hindi maaaring patawan ng administrative sanction ang empleyadong hindi pumasok dahil sa ganitong sitwasyon.
Pero ipinaalala ng DOLE na umiiral ang “no work, no pay” policy.
Ibig sabihin, kung hindi nagtrabaho ang empleyado, hindi siya entitled sa regular na sahod para sa araw na iyon—maliban kung may company policy, practice o collective bargaining agreement na nagbibigay ng bayad sa mga ito, o pinayagan siyang gamitin ang kanyang naipong leave credits.
Kung pumasok naman ang empleyado at mahigit anim na oras siyang nagtrabaho, makatatanggap siya ng buong regular na sahod.
Kung mas mababa sa anim na oras ang kanyang na-render na trabaho, proportionate lamang sa oras na pinasok ang kanyang matatanggap.
Samantala, sinabi ng DOLE na nasa prerogative ng mga pribadong employer kung magsususpinde sila ng trabaho dahil sa masamang panahon.
















