-- Advertisements --

Mas pinadali na ng gobyerno ang pag-iinstall ng rooftop solar panels para sa mga bahay, health facilities at maliliit na negosyo.

Layunin nito na mabawasan ang red tape at mas maraming Pilipino ang makagawa ng sarili nilang kuryente gamit ang solar energy.

Naglabas ang Department of Energy (DOE) ng bagong guidelines para mapabilis ang pag-install ng mga rooftop solar system na gagamitin lamang para sa sariling konsumo.

Sa ilalim ng Department Circular No. DC2026-08-0017, maaaring gumawa ng sariling kuryente ang mga consumer gamit ang solar panels nang hindi na kailangang mag-export ng sobrang kuryente pabalik sa distribution grid.

Dalawang uri ng solar system ang sakop ng bagong patakaran.

Una ang Micro-Solar System, para sa plug-and-play solar installations na hanggang isang kilowatt.

Ikalawa ang Self-Generating Facility Zero-Export Solar System (SGF ZESS), para sa mas malalaking installation na may mga safeguard para hindi maipadala ang kuryente sa grid.

Para sa micro-solar systems, hindi na kailangan ang Building Permit at Certificate of Compliance (COC) mula sa Energy Regulatory Commission.

Kailangan na lamang ipaalam sa local distribution utility ang planong installation.

Para naman sa mga kwalipikadong SGF ZESS sa mga bahay, klinika at ospital, hindi na rin kailangan ang COC.

Maaari ring ma-exempt sa Building Permit kung mayroon nang valid structural clearance ang gusali.

Inatasan din ang mga distribution utility na alisin ang ilang pre-installation clearances, technical permits at inspection fees.

May 12-buwang transition period din para sa mga gumagamit pa ng lumang analog meter, kaya maaari nilang simulan ang paggamit ng solar system habang hinihintay ang pagpapalit o pag-upgrade ng metro.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, layunin ng bagong polisiya na alisin ang mga hadlang na maaaring makapagpahina sa interes ng mga consumer na gumamit ng solar energy.

Target ng pamahalaan na mapataas ang bahagi ng renewable energy sa power generation mix ng bansa sa 35 porsyento pagsapit ng 2030 at 50 porsyento pagsapit ng 2040.

Gayunpaman, umalma ang ilang mga home solar advocates, na hindi lamang red tape ang problema.

Kabilang din aniya sa kanilang concern ang mataas na buwis sa solar equipment at ang kakulangan ng financing options na makatutulong sa mga pamilyang gustong bumili at mag-install ng solar panels.