NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos malunod sa San Jose, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Jose Bolima Jr., 40-anyos, residente ng Brgy. Sta Cruz sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na isang Maria Luisa Peñas-Barabad ang nakakita sa katawan ng biktima habang nagpapalutang-lutang sa isang creek.
Dagdag pa dito, dinala pa naman sana sa ospital ang biktima ngunit idineklara na itong patay ng mga doktor.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na may sakit na epilepsy ang nasabing biktima kung saan pinaniniwalaan na posibleng nakaranas ito ng seizure dahilan para aksidente itong mahulog sa creek na nagresulta ng kaniyang pagkamatay.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad.