-- Advertisements --

Opisyal nang inilagay ng Commission on Elections (Comelec) En Banc sa ilalim ng kaniyang direktang kontrol ang buong Cotabato City at ang bayan ng Maluso sa Basilan ngayong Setyembre 14, 2026, kasabay ng pagsisimula ng botohan para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.

Ang naturang desisyon ay pormal na ipinatupad ng poll body kasunod ng naitalang serye ng karahasan at insidente sa dalawang lugar sa bisperas ng halalan.

Kabilang dito ang nangyaring barilan at pagsabog ng granada sa Cotabato City na nag-iwan ng tatlong patay at maramihang sugatan, gayundin ang mga ulat ng tensyon at harassment sa Maluso, Basilan.

Sa ilalim ng Comelec Control, lalaktawan ng komisyon ang lokal na hurisdiksyon upang direktang pangasiwaan ang pamamahala at seguridad sa mga naturang lugar sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

May kapangyarihan din ang Comelec na palitan ang mga lokal na opisyal o security personnel at direktang kontrolin ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko at gun ban upang matiyak ang kapayapaan habang bumoboto ang mamamayan.

Tiniyak naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na sa kabila ng paglalagay sa dalawang lugar sa ilalim ng Comelec Control, magpapatuloy ang proseso ng pagboto at nananatiling ligtas at kontrolado ng mga awtoridad ang situwasyon sa lahat ng polling precincts.