CAUAYAN CITY- Patuloy ang search and retrieval operation ng mga awtoridad kasama ang pamilya ng isang lalaki na tinangay ng malakas na agos ng tubig sa isang ilog na bahagi ng Brgy. Capellan, Ilagan City.
Ang biktima ay si Arvin Resureccion,23 anyos at residente ng nabanggit na barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Freddie Herrera, pinsan ng biktima, pauwi na ang kanyang pinsan kasama ang iba pa na mula sa isang picnic sa naturang ilog ngunit dahil sa mga nararanasang pag-uulan ay umapaw ang tubig sa ilog.
Habang naglalakad ang grupo ay tinangay ng agos ng tubig ang isa sa kanilang kasama na tinangkang sagipin ng biktima.
Dahil sa lakas ng agos ng tubig ay unti-unti na rin umanong tinangay ang iba pa nilang kasamahan.
Ayon sa pamilya ng biktima, tumulong na rin ang Rescue Team ng CDDRMO upang maghanap sa iba’t ibang lugar.
Nanawagan ang mga kaanak ng biktima sa publiko na ipagbigay alam lamang sa kanila kung matagpuan ang katawan ni Arvin Resureccion.