Umabot na sa 23 katao ang nasawi dahil sa epekto ng Southwest Monsoon o Habagat at mga nagdaang bagyong Luis at Maymay, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Batay sa datos ng ahensya kaninang alas-6 ng umaga, 15 sa mga nasawi ay mula sa Benguet, habang tig-tatlo naman sa Rizal at Batangas. May isa ring nasawi sa Quezon.
Kabilang sa mga naiulat na sanhi ng pagkamatay ang landslide, pagkalunod, rockslide, pagbagsak ng puno at pagkakuryente.
Samantala, 17 katao naman ang nasugatan sa Ilocos Sur, Benguet, Abra, Rizal at Cavite. Tatlo naman ang patuloy na nawawala, na pawang mula sa Batangas.
Ayon sa OCD, apektado ng mga weather disturbance ang ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Sa kabuuan, 1,410,800 pamilya o mahigit 4.9 milyong indibidwal ang naapektuhan ng Habagat at dalawang bagyo.
Nasa 9,101 pamilya o 31,456 katao naman ang pansamantalang nanunuluyan sa 407 evacuation centers.
Samantala, 1,845 bahay ang napinsala, kabilang ang 178 na tuluyang nawasak.
Umabot naman sa mahigit P689.6 million ang tinatayang pinsala sa sektor ng agrikultura.
Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang epekto ng Habagat sa Luzon at kanlurang bahagi ng Visayas ngayong Linggo, na magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa ilang lugar.
















