Hinimok ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na mag-sorry sa kaniyang naging pahayag tungkol sa papel ng mga guro sa paghubog ng asal ng mga estudyante.
Ito ay matapos ang shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) noong Martes, Agosto 18, na kinasangkutan ng isang Grade 8 student.
Sa pahayag ni Tinio, sinabi niyang hindi katanggap-tanggap ang umano’y paninisi ni Castro sa mga guro kaugnay ng insidente.
Ayon kay Tinio, hindi dapat gawing “scapegoat” ang mga guro sa mga insidente ng school violence.
Giit pa ng mambabatas na may iba pang mga salik na dapat tingnan ang pamahalaan, gaya ng kakulangan sa pondo para sa mga paaralan, limitadong access sa mental health services at mga usapin sa gun control.
Samantala, nilinaw ni Usec. Castro na hindi niya sinisisi ang mga guro sa nangyaring insidente ng pamamaril.
Aniya ang kaniyang pahayag ay paalala lamang tungkol sa mahalagang papel ng mga guro sa paghubog ng mabuting asal ng mga kabataan.
Giit pa nito na dating guro ang kanyang ina at kailanman hindi niya umano minamaliit ang trabaho ng mga ito.
















