-- Advertisements --

Nanawagan si Senate Committee on Health Vice Chairman Senator Christopher “Bong” Go para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng larangang nagbabawal sa tinatawag na “hospital detention” o ang hindi pagpapalabas sa mga pasyenteng hindi pa fully paid sa kanilang hospital bill.

Ayon sa senador, hindi dapat maging dahilan ang kawalan ng pambayad upang tila ikulong at lalong pahirapan sa loob ng ospital ang mga kababayang maysakit na at hirap na sa buhay.

Binigyang-diin ni Go na hindi biro ang pagkakasakit lalo na sa mga pamilyang “isang kahig, isang tuka,” kaya nararapat lamang na mabigyan sila ng pantay, maayos, at makataong konsiderasyon, nang hindi rin naman lubhang naaapektuhan ang pang-araw-araw na operasyon ng mga pasilidad pangkalusugan.

Bagama’t may umiiral nang batas ukol dito, buong-pusong pinagtatanggol at sinusportahan ng senador ang pagpasa sa Senate Bill No. 1511 na naglalayong patibayin pa ang probisyon laban sa pagdetine sa mga pasyente sa pamamagitan ng pagpapataw ng mas mabigat at mas mahigpit na parusa sa mga lalabag na ospital at klinika.

Muling ipinaalala ng senador na ang pondo ng gobyerno ay pera ng taumbayan na dapat lamang ibalik sa kanila sa anyo ng maayos, mabilis, at de-kalidad na serbisyong medikal nang walang sinuman ang naiiiwan.