Digital Pinoys, nanawagan ng agarang pag-imbestiga sa nangyaring ransomware attack sa BUILDPass system sa isang lgu upan
Unread post by STARFMCEBUNEWS » Sat Aug 15, 2026 5:57 pm
Digital Pinoys, nanawagan ng agarang pag-imbestiga sa nangyaring ransomware attack sa BUILDPass system sa isang lgu upang maiwasang maulit
Nanawagan ang Digital Pinoys sa Baguio City Government at mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na agad imbestigahan ang naiulat na ransomware attack sa BUILDPass system ng lungsod na nakaapekto sa tinatayang 2.9 gigabytes ng data.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Digital Pinoys National Campaigner Ronald Gustilo, sinabi niyang mahalagang matukoy agad kung paano nangyari ang cyberattack, gaano kalawak ang naging breach, at kung may personal na impormasyong nakompromiso.
Hinimok ni Gustilo ang lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa National Privacy Commission at Cybercrime Investigation and Coordinating Center para sa masusing pagsusuri sa mga apektadong sistema.
Mahalaga aniyang matukoy ang lawak ng insidente upang malaman kung sinu-sino ang posibleng naapektuhan at kung anong mga hakbang ang kailangang gawin upang maprotektahan ang kanilang impormasyon.
“Dapat imbestigahan agad ng pamahalaan lalo na posibleng may mga personal na impormasyong nakompromiso dahil sa naturang ransomware attack,” saad pa nito.
Binigyang-diin ng Digital Pinoys na dapat gamitin ang resulta ng imbestigasyon upang matukoy ang mga kahinaan sa sistema at mapalakas ang cybersecurity ng lokal na pamahalaan.
Layunin nito na matiyak na hindi na mauulit ang katulad na ransomware attack at mas maprotektahan ang personal na impormasyon ng publiko sa mga susunod na panahon.
“Panawagan sa Baguio City gov’t na i-subject po sa investigation yung mga apektadong systems to determine the breach, gaano kalawak yung impormasyon na nakompromiso nang sa ganun ay matulungan din ang lokal na pamahalaan na maiwasan ding mangyari itong muli sa mga susunod na panahon” dagdag ni Gustilo.















