-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabahala ang grupo ng mga digital advocates na Digital Pinoys sa patuloy na pagkaantala ng ilang mahahalagang panukalang batas sa Senado bunsod ng paulit-ulit na kawalan ng quorum na nagiging dahilan ng pagkaantala ng mga sesyon at deliberasyon.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni Digital Pinoys National Campaigner Ronald Gustilo na kabilang sa mga naaapektuhang panukala ang may kaugnayan sa digitalization, digital payments, digital literacy, digital identification systems, online safety, transparency, anti-disinformation efforts, at motorcycle taxi regulation.

Ayon kay Gustilo, mahalaga ang mga panukalang ito upang mapabilis ang modernisasyon ng serbisyo ng pamahalaan, mapalakas ang digital governance, maprotektahan ang publiko laban sa online threats, at mapalawak ang oportunidad sa digital economy.

Aniya, nakalulungkot na naaantala ang mga pagdinig at deliberasyon dahil mahalagang maipasa ang mga batas na magpapalawak ng digitalization at magbibigay ng mas matibay na proteksyon sa mga mamamayan sa online space.

Binigyang-diin din niya na ang patuloy na pagliban ng ilang senador ay hindi lamang usaping procedural kundi isang hadlang sa maayos na pamamahala at pambansang kaunlaran. Aniya, kinakailangang matiyak ang sapat na bilang ng mga senador sa bawat sesyon upang maipagpatuloy ang pagtalakay sa mga panukalang may direktang epekto sa mamamayan.

Nanawagan si Gustilo sa pamunuan ng Senado sa pangunguna ni Senate President Alan Peter Cayetano at sa mga miyembro ng mayorya na tiyaking maayos na gumagana ang institusyon at natutupad nito ang mandato sa publiko.

“Bilang Senate President, nasa kanya po ang poder para papasukin ang mga kasamahan sa mayorya. Sana naman po ay unahin natin ang kapakanan ng ating mga mamamayan kaysa sa anumang kapritso o pagtatampo,” aniya.

Hinimok din ng Digital Pinoys ang mga senador na regular na dumalo sa mga sesyon at aktibong pagdebatehan ang mahahalagang panukalang batas upang hindi na maantala ang mga repormang matagal nang hinihintay ng mga Pilipino.

“Panawagan natin sa mga senador, nakikita ng taumbayan kung kayo ay naroon at nagtatrabaho. Kailangan pong pumasok at pagdebatehan ang mga panukalang batas at iba pang mahahalagang isyu na may epekto sa ating mga kababayan,” dagdag ni Gustilo.